Madaling-araw na nang nagising ako sa banggaan ng tubig-dagat at breakwater. Nakatulog akong hindi namamalayang tigmak na ako sa muli’t-muling pag-ambon sa aking kinalalagyan. Napakadilim pa ng aking paligid, marahil ay blackout na naman sa buong bansa, sa aking palagay hindi matatapos ang pagpatay-sindi ng enerhiya hangga’t hindi pa natatapos ang eleksyon..
Nakakasindak ang aking kapaligiran. Walang ilaw, maingay, dagdag pa nito ang napakalamig na ihp ng hangin.Napakamarahas.
Parang Pilipinas.
Katulad ng gabi ang siyam na taong pamumuno ni Gloria Macapagal-Arroyo sa Pilipinas. Balot ng kadiliman ang paligid, puro ingay ngunit wala ka namang nakikita. Gusto mong tuklasin ang breakwater ngunit natatakot kang lamunin ng dagat sapagkat hindi mu makita ang hangganan ng breakwater at ng dagat. Kailangan mong tumakas salamig ng gabi’t hangin ngunit wala kang magawa dahil sa wala pang araw na sumisikat. Malabo namang gumawa ng apoy dahil papatayin lang ito ng ambong dulot ng hampas ng tubig sa bato.
Nakakalito. Nakakaligalig. Nakakapagpabagabag.
Sa kalagitnaan ng madaling-araw, magsisimula namang mamula ang kalangitan. Pulang singtingkad ng dugo ng lahat ng mga nangamatay dulot ng extrajudicial killings, salvages, massacre at giyera. Kumulang dugo ng mga media men at mga batang namatay sa gutom at kahirapan ng buhay. Dugo ng mga magsasakang piniling idilig ang sariling dugo sa lupang pilit iaagaw ng mga malalaking burgesya.
Habang papalapit ang bukangliwayway, mas tumikingkad ang kulay ng langit. Kulay ng patuloyna pakikibaka at pagrerebulosyon ng mga kasama laban sa bulok na sistema umiiral sa ating bansa. Ang mahihirap ay patuloy na naghihirap, ang mga mayayaman ay patuloy na yumayaman. Kontrolado pa rin ng mga imperyalista ang ating ekonomiya at naghahari pa rin ang mga politikong walang ginawa kundi kamkamin ang kayamana’t pera ng Pilipinas.
Sa pagpasok ng eleksyon, dumugo na ang kalangitan, ang marahas na tubig-dagat ay pula na rin at lalo pang rumaragasa patungong breakwater sa pagpipilit na ito’y tibagan. Magulo. Maingay. Automated.
Natapos ang lahat, hindi na mapigilan ang bukangliwayway. Sa unang pagputok ng dilaw sa langit, ang pangako nitong baguhin ang lahat ay napakasarap namnamin. Unti-unti na ring naging matiwasay ang tubig-dagat. Tahimik. Naghihintay.
Maliwanag na ang kapaligiran, nasa gilid na pala ako ng breakwater, isang hakbang na lang at mahuhulog na ako sa nakapalalim na dagat.
Mataas na ang araw, naramdaman ko na ang init nito. Ang dati kong basang katawa’y ngayo’y unti-unti ng tuyo na. Natakot ako. Nagtataka. Sa pagkakataon bang ito bayani parin ang dilaw? O masusunog lang ako sa tindi ng kanyang init at liwanag sa pagdating ng tanghali?
Siguro ay dapat na ako maghanap ng masisilungan. Makikiramdam. Magmamasid at muli nanamang aabangan ang pagdating ng gabi at bukangliwayway.
Filed under: favorites | Tagged: alegorry, alegorya, Amado Guerrero, buddhist monk, bukangliwayway, burma, Eva Luna, gabriel garcia marquez, gloria, J. D. Salinger, Jose Saramago, junta brutality, letter, love, lover, myanmar, noynoy, open letter to a lover, Stepehn King | 2 Comments »